Thursday, September 25, 2008

Si Doc E

Isang Byernes ng hapon noong 2006 nang makapanayam namin ni Goyi si Dr. Florentine Lagbao-Bolante sa kanyang tahanan sa White Plains.

Si “Flory” ay kasalukuyang propesor ng IO Psychology sa La Salle University. Siya ay unang naging student assistant (SA) ni Doc E sa Philippine Psychological Research House (PPRH) noong kanyang huling semestre pa lamang sa kolehiyo. Matapos ang isang taon, tumuloy siya bilang research assistant (RA) sa nabanggit na samahan sa mga sumunod pang proyekto ni Doc E sa nasabing samahan. Kasabayan nya sina Rogie Pe-pua, Mayette Guanzon-La Pena, Beth Pastores, at Neng Samonte.

Maraming magagandang ala-ala si Flory kay Doc E. Karamihan sa mga ala-alang ito ay may kinalaman sa PPRH, at hindi naging madaling paghiwalayin ang kasaysayan ng organisasyon sa buhay ni Doc E. Ito ay dahil ang PPRH ay naging malaking bahagi ng buhay ni Doc E.

Ang PPRH ang naging bahay kung saan nilikom ni Doc E ang kanyang mga sulatin at pananaliksik, gayundin ang mga tesis at disertasyon ng kanyang mga estudyante. Dito rin sya tumira, kaya’t dito rin sya dinadalaw ng kanyang mga estudyante kapag wala sya sa UP. Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya na ipakilala ang samahan, dito nya pinatutuloy noon ang kanyang mga bisitang banyaga tulad ni Prop. Fumi Watanabe. Pinangarap nyang balang araw ang PPRH ay maging isang akademyang may sariling dekano at mga propesor. Ang PPRH ay naging Philippine Psychological Research and Training House, Inc. (PPRTH, Inc.) nang sumakabilang-buhay si Doc E.

Mahaba-haba ang mga salaysayin ni Flory ukol kay Doc E. Minabuti naming hatiin sa tatlong bahagi ang aming mga nalikom na kwento: sa mga ala-ala ni Flory kay Doc E bilang boss, bilang guro ng Sikolohiyang Pilipino, at bilang tao.

Si Doc E Bilang Boss
Mahusay pumili ng tao si Doc E. Ito ang sinabi ni Doc E kay Flory. Hindi kataka-takang lahat ng taong nasangkot sa PPRH ay nahasa at nag-deliver ng output sa takdang panahon.

Hindi strikto sa oras si Doc E. Hinahayan nyang magturo at mag-aral ng part-time ang kanyang mga tauhan. Dahil abalang tao din si Doc E, lahat ay kumumpas ng kusa, nang may kaunting pagtutok mula sa kanya. Sa pagbabalik-tanaw ni Flory, naisip nyang ito rin marahil ay bahagi ng kanyang paghahasa sa kanila.

Kakaibang maghasa ng tao si Doc E. Kung minsan ay kumukuha sya ng mga taong wala pang masyadong alam at sa kanya na ito natututo. Halimbawa, may ugali si Doc E na ipaulit-ulit ang pagta-type ng dokumento hanggang ito’y maging perpekto. Marami din siyang pinasalin sa wikang Filipino. Ayon kay Flory, si Mayette Guanzon nga na English-speaking ay naging mahusay sa pagsusulat sa wikang Filipino. Kakatwang ugali din ni Doc E na banggitin sa kanyang mga tauhan ang pagtutulungan sa pagbibigay ng lecture at pagtuturo sa ibang pamantasan, pagpi-prisinta ng pananaliksik, at pag-aayos ng kumperensya pagkatapos siya ay biglang mawawala na lamang. Sa katapus-tapusan ay napapasubo sila Flory. Gayunpaman, napag-isip-isip nila kalaunan na nahasa sila dahil dito.

Lubos ang pagtitiwala ni Doc E sa mga tao. Ipinadadala nya ang kanyang mga tauhan sa mga miting at kumperensya sa kanyang pangalan. Bukas din ang kanyang kalooban na ipagkatiwala sa mga tauhan niya ang salapi ng samahan, bagama’t may regular na pag-uulat ukol sa pinansya.
Hindi tipikal na “boss” si Doc E. Ito ang buod na pahayag ni Flory ukol sa pakikitungo ni Doc E sa kanila. Liban sa mga kwentuhang mas kadalasan ay may kinalaman sa Sikolohiyang Pilipino at sa kinabukasan nito, nakikipag-usap at nakikipaglaro din sya sa kanila na parang barkada. Naalala ni Flory nang minsang sumama ang loob niya kay Doc E, umiyak siya at nag-iwan ng walong-pahinang liham bago nagtago sa Sagada. Hinanap sya nang todo ni Doc E. At nang magbalik sya, di malaman ni Doc E kung paano sya susuyuin. Sa masasayang samahan naman nila kapag inaabot sila ng alas-syete sa opisina, nagyayayang kumain si Doc E sa labas- kotse nya, maneho nya, at sagot nya pa!

Si Doc E Bilang Guro
Mahilig magsulat si Doc E. Pakiramdam pa nga ni Flory ang tutuong dahilan kung bakit naitatag ang PPRH ay dahil sa dami ng kanyang sulatin na nangangailngan ng siliran. Hindi nakakapagtakang kumalat ang ang konsepto ng Sikolohiyang Pilipino sa ibang bansa. Inengganyo nya ang kanyang mga estudyante at tauhan upang magsalin sa wikang Filipino bilang panimula. Nang lumaon, pinasulat na rin nya ang mga ito nga mga konseptong katutubo, at bandang huli ay sumulat ng tesis at disertasyon sa konsepto at wikang Filipino.

Kahit manggaling sa sariling bulsa ang gastusin, tanggap nang tanggap ng speaking engagements si Doc E. Kung saan-saan siya nakakarating. At sa bawa’t pagkakataong ito, napapa-apoy niya ang mga tagapakinig sa kanyang mga ideya. Kaya nga’t sa kanyang kapanahunan, may provincial at regional affiliates ang PSSP (hal. PSSP Marawi, PSSP Pangasinan, PSSP Pamantasan ng Lungsod Maynila Branch).

Nang maghiwa-hiwalay na ang kanyang mga estudyante at tauhan, pinagbubuklod ni Doc E ang mga ito sa pagbubuo ng ideya at pagtatatag ng sub-groups tulad ng Sikolohiya ng Bata, Filipino Religious Practices, at marami pang iba. Nagtawag din siya ng pailan-ilang pagkikita upang magkwentuhan at mangarap ukol sa SP sa bansa.

Lingid pa sa kaalaman ng madami, si Doc E ay pioneer sa mga konsepto ng SP sa mga patalastas. Si Doc E pala ang consultant ng Palmolive Philippines nang ilabas nila ang konsepto ng “Hiyang” na nang lumaon pinasundan na ng marami pang patalastas na may parehong intensyon tulad ni “Lumen” ng Surf, at “Billy” ng PLDT. Sabi nga ni Flory, matutuwa daw si Doc E kung nakita nyang ngayon ay mayroon na ding mga subtitles o caption sa wikang Filipino ang ilang palabas sa telebisyon dahil kasama ito sa mga pinangarap ni Doc E noong araw.

Si Doc E Bilang Tao
Marunong sa pagpinta si Doc E. Sa katunayan pala, si Doc E ay nagkaroon ng isang exhibit sa Malaysia. Sayang na nga lamang at kinapos na kami sa oras at ‘di na naipakita sa amin ni Flory ang ilan nyang obra na naroon sa bahay niya.

Galante si Doc E. Palibhasa binata, hilig nyang magblow-out sa mga estudyante. Gayundin ang kanyang pagpapaluwal ng sariling pera para sa PPRH. Ayon kay Flory, walang pagkakaiba kay Doc E ang sarili nyang pera sa pera ng PPRH; ang mga usaping PPRH para kay Doc E ay personal sa kanya.

Masayahin si Doc E. Nakahiligan niya noon ang pagdi-disco at pagsising-a-long (bagama’t biro daw nila sa kanya, wala naman itong hilig sa kanya). Paborito nyang kasayaw noon si Dr. Margie Holmes. Napagkatuwaan niya rin ang paglalaro ng “trump cards” kasama ang kanyang mga tauhan sa oras ng pahinga. Isa pang dagdag na kaalamng si Doc E pala ay kasapi ng Beta Epsilon Fraternity.

Mahilig mangulekta ng mga larawan at sari-saring abubot si Doc E. Isang malaking surpresa sa amin nang malaman naming sa gitna pala ng kwarto kung saan kami ay nakikipanayam, ang baul na aming tinititigan ay siliran ng mga photo albums. Natuwa si Flory sa aming suhestyon na ipa-CD na ang mga larawan kaya’t malugod nyang ipinauwi ito. At ang ilan ay malugod din naming ipapakita sa aming pag-uulat.

Ito ang buod ng aming mga nakalap tungkol kay Doc E. Hindi man naming sya nakilala, nasaksihan namin ang kislap sa mga mata ni Flory, at naaninagan namin sa kanya mga ideya mismo ang mga ideyang itinanim ni Doc E sa kanya.

No comments: